Alkalde ng Borongan City, nabalatuhan rin ng Ultra Lotto winner

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2018 10:51 AM | Updated as of Nov 16 2018 11:56 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Maging ang alkalde ng Borongan City ay nabigyan ng maagang pamasko ng kabayang nanalo ng halos kalahating bilyon sa 6/58 Ultra Lotto jackpot.

"Natuwa ako nung isang araw, I was in my office, mayroon akong isang empleyado, 'Mayor, nandito yung P5,000 mo,'" ayon kay Borongan City Mayor Fe Abunda sa panayam sa DZMM Biyernes ng umga.

Ipinambili na lamang nila ang balato ng pang meryenda, sabi ng alkalde.

Bukod kay mayor, lahat ng casual at regular employee ng city hall ay nabiyayaan ng balato ng jackpot winner.

"Namigay po siya ng bawat casual at permanent ng tag-P5,000," sabi ni Abunda.

Personal na kilala ng mayora ang Ultra Lotto winner.

"The mother of this person naging yaya sa anak ko. Yung ako'y naging mayor, nabigyan ko po siya ng pagkakataong maging permanent employee," sabi niya.

Natutuwa siya at sinuwerte ang nasabing tao at may malasakit itong magbahagi ng kaniyang panalo sa mga kababayan.

"Tapos yesterday, nagsimula ang pagbibigay sa kaniyang ka-street. Bawat household binibigyan din nila ng P5,000," aniya.

Kasamang mabibiyayaan rin ay ang mga tricycle drivers at simbahan.

Wala umano sa kanilang tirahan ang lotto winner para na rin sa kanilang seguridad, ayon sa alkalde.

Bagama't hindi pa niya nakakausap ng personal ito, nag-iwan naman ng payo ang alkalde.

"Sana ayusin mo, ninyo ang buhay ninyo, dapat mag savings. Bumili kayo ng house and lot, at least yung mga bata, ipag-savings ninyo hanggang lumaki at saka konting negosyo kahit hindi na bumalik sa trabaho. At least gamitin ninyo ang pera sa tama," sabi ng alkalde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.