Testigo sa kaso ng babaeng sinunog, namukhaan ang 'umaaligid' na lalaki

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 12:16 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Namukhaan ng isang testigo ang isa sa mga lalaking nakita niyang umaaligid sa babaeng kalauna'y natagpuang patay at sinunog ang katawan sa Pasig.

Ayon kay alyas 'Joseph,' pasado alas-10 ng gabi noong Biyernes, Nobyembre 10, nang makita niya ang 22 anyos na si Mabel Tagala Cama sa labas ng gate ng kanilang bahay kung saan nakagarahe ang mga bus ng Mega Bus Line sa Barangay Rosario, Pasig City.

May dalawang lalaki umanong umaaligid kay Cama noon.

Inilarawan niya rin ang isa sa mga lalaki. 

"Matipuno ang katawan... 'Yong buhok, medyo kulot," ani Joseph.

Sabado ng gabi, Nobyembre 11, napadaan sa abandonadong opisina si Joseph matapos kunin ang kaniyang sahod.

Muli raw niyang nakita ang isa sa dalawang lalaki sa tapat ng pinto ng opisina.

May napansin rin daw siyang usok na lumalabas mula roon na inakala niyang pausok lang para sa lamok.

"Ang nasa isip ko naman, maraming lamok kaya nagpapausok... Sa bus line nakikita ko lagi ang mga nakita ko no'ng gabing 'yon."

Ayon naman sa security guard ng compound na si Antonio Dumagtoy, sumiklab nga ang maliit na sunog sa nasabing opisina pasado alas-11 ng gabi noong Sabado, pero agad namang naapula.

May nadatnan daw siyang tatlong tao na nag-aapula ng apoy pero hindi niya inakalang may bangkay na palang nasusunog doon.

Linggo na nang matagpuan ng ama ng biktima na si Reynaldo Cama ang katawan ng kaniyang anak na sinunog at hinihinalang ginahasa.

Binalikan ng mga pulis ang crime scene pati na ang lugar kung saan nakita ang nawawalang bag at jacket ng biktima.

Narekober ang ilan pang bagay na maaaring gamiting ebidensiya.

Limang persons of interest na ang sinisiyasat ng mga pulis habang hinihintay pa rin ang resulta ng autopsy. 

Ayon sa pulisya, sinisiyasat din kung sa ibang lugar ginawa ang krimen at iniwan lang sa opisina ang bangkay ng biktima.

Posible ring sa abandonadong opisina talaga nangyari ang krimen.

"Sa initial [investigation] pa lang, parang ginamitan ng hard object 'yong ulo ng babae," ani Chief Supt. Romulo Sapitula, director ng Eastern Police District.

Ayon naman kay Paracale Camarines Norte Mayor Lourdes Villamonte Briguerra, may-ari ng Mega Bus Line, personal niyang kakausapin ang kaniyang mga tauhan para makakuha ng impormasyon sa nangyaring krimen.

Magbibigay rin ng P50,000 pabuya ang pamunuan ng Mega Bus Line Corporation, kung saan nagtatrabaho ang ama ng biktima, sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pumatay kay Cama.

-- Ulat nina Bianca Dava at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.