Pagkalas ng bagon ng MRT, maaaring 'sabotahe': DOTr

Gillan Ropero, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 11:42 PM

Maaaring sabotahe ang insidente ng pagkalas ng isang bagon ng MRT mula sa ibang bahagi ng tren nitong Huwebes ng umaga, ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, pwedeng sinabotahe umano sila matapos ang magandang serbisyo noong nakaraang linggo.

"Ang posibleng motibo rito ay pagtakpan kung ano ang mali sa operasyon, pwede ring sabihin nating sabotahe," aniya.

"Masama ang serbisyo namin noong Martes pero pagdating ng Miyerkoles hanggang kahapon, maganda ang serbisyo. Yung dating 5 hanggang 8 unloading incidents, minsan sa isang araw isa na lang, dalawa. Nagkaroon pa kami ng pagkakataon na isa walang unloading incident," ani Chavez sa isang panayam sa Bandila sa DZMM.

Walang nakitang problemang mekanikal o elektrikal ang ahensya, ayon kay Chavez.

"Sa inisyal na pagsusuri ng ating safety technicians, at ito ay nireport sa management kanina, walang problema sa electrical, walang problema sa mechanical. Impossible na magkahiwalay iyan nang walang intervention," aniya.

"So ang tanong namin, sino ang may motibo, sino ang may oportunidad, may capability to remove it?"

Ayon sa opisyal, pwedeng kalasin ang isang bagon mula sa ibang bahagi ng tren sa loob ng isang minuto, kung may kakayanan ang gumagawa. Maaari rin umano itong gawin habang nasa North o South turnback ang tren.

"Sa mga technicians na nakausap natin, it will take less than a minute sa isang competent na tao kung ano ang gagawin doon, yun ang mga insiyal na paliwanag. But of course every knowledge claim has to be validated," aniya.

"Ang may access diyan ay ang train driver, pangalawa 'yung technician. At pwede rin dating technician, dating driver," dagdag niya.

Nadiskubre ding nawawala ang Messma card o "black box" na nagsisilbing memory card ng kumalas na bagon.

"Well, kasi kapag inakyat mo dapat may black box yan. Ang tingin namin ay tinanggal na yun [bago umakyat ang tren sa istasyon]."

Hindi naman umano nagtuturo ang ahensya kung sino ang nasa likod ng insidente.

"Ayaw nating mag-speculate kung sino ang mga iyan pero ang pwede lang gumawa nyan ay iyung may alam. Either nasa loob iyan or dating nagtrabaho sa loob," ani Chavez.

"Ito ay isang side nito, hindi rin namin inaalis baka may iba pang mechanical, electrical issues nasa loob. We don’t discount that," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.