Opisyal, inako ang responsibilidad sa pagkansela ng ASEAN music fest

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 09:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inako ng tagapangasiwa ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN music festival ang sinapit ng nakanselang konsiyerto matapos maggitgitan ang mga tagapanood.

Inasahan ng ASEAN National Organizing Committee na 20,000 katao ang dadalo sa konsiyerto pero mas malaking bilang ang dumating.

Paliwanag ni National Organizing Committee Director General Marciano Paynor Jr., nang irekomenda ng tauhan nitong nasa mismong venue na kanselahin ang konsiyerto'y agad niyang inaprubahan.

Tiniyak ni Paynor na walang stampede pero may 50 naitalang nasaktan sa insidente.

"If anyone has to take the blame for it, I will," ani Paynor.

("Kung may dapat mang umako sa nangyari, ako iyon.")

Aminado si Paynor, hindi nila inakalang ganoon kalakas sa mga manonood ang opening act na Parokya ni Edgar.

"When they started to play just the first tune, the crowd was swaying back and forth and the barriers that were put in place suddenly gave way and a lot of people were crushed," kuwento ni Paynor.

("Nang magsimula silang tumugtog, paugoy-ugoy ang mga manonood at bumigay ang mga harang at marami ang naipit.")

Si Paynor ang nag-organisa ng hosting ng Pilipinas sa ASEAN noong 2006, at sa Asia-Pacific Economic Cooperation noong 1996 at 2015.

Pero ang ASEAN 2017 umano ang pinakamahirap sa mga pagpupulong na inorganisa ni Paynor.

Paninindigan ni Paynor ang dating mungkahi na sa lugar gaya ng Clark, Pampanga isagawa ang mga pagpupulong gaya ng ASEAN.

Kinulang lang ang Clark sa hotel na puwedeng tirhan ng mga bisitang pinuno ng mga bansa kaya sa Maynila bumagsak ang ASEAN.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.