Motorsiklo sa labas ng EDSA motorcycle lane, huhulihin na

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 11:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Araw-araw ay 55 ang naitatalang aksidente sa EDSA na kinasasangkutan ng mga naka-motorsiklo.
    
Hindi naman ikinakaila ng Motorcycle Riders Club of the Philippines na maraming pasaway na riders gaya ng mga sumisingit at walang pake sa designated lanes.

"When we go to Subic, ang bait natin di ba? When we go to exclusive subdivisions, am'babait din natin. Let's do this on EDSA, let's enforce it," ani Jojo Medina ng Motorcycle Riders Club of the Philippines.

Limang taon nang may motorcycle lanes sa EDSA pero aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi estriktong naipatutupad ang batas.
    
Pero simula sa susunod na linggo, kapag lumabas sa motorcycle lane, huhulihin na. 
    
Pasok ang violation sa "No-Contact Traffic Apprehension Policy" at may multa ring P500.

"We're not doing this because we favor a certain group. We're doing this for everybody's concern, number one 'yung safety nga," depensa ni Jojo Garcia, Assistant General Manager for Planning ng MMDA. 

Bukod sa delikadong pagmamaneho ng mga nakamotorsiklo, malaki rin umano ang dagdag nito sa traffic sa EDSA.

Umaalma naman ang Motorcycle Rights Organization of the Philippines (MRO) kung bakit tila ang mga naka-motor ang laging may kasalanan at naparurusahan at hindi mga public utility vehicles tulad ng mga bus.

"There is no respect for the smaller vehicles kasi kayang-kayang i-bully 'yan...So there is really no love in EDSA kasi unahan talaga. Everyone's idea of being on EDSA is to get out of it as soon as possible," ani Robert Christian Bolaños ng MRO.

Speed limit, ayon kay Bolaños, ang dapat ipatupad sa EDSA at ang pantay na pagsasapatupad ng batas sa lahat ng gumagamit sa pangunahing kalsada.

Ayon sa datos ng MMDA, pangalawa ang motorsiklo sa mga pribadong sasakyan na pinakagumagamit ng EDSA. 

Mula Enero hanggang Setyembre, halos 15,000 ang naitalang aksidenteng sangkot ang mga motorsiklo. Sa mga kasong ito, 157 ay fatal.

Ayon pa sa MMDA, ang EDSA, Commonwealth Avenue, Quirino Highway, National Road, at Zapote Alabang Road ang pinaka-motorcycle-accident-prone areas.

Sa Biyernes ay may dry run sa motorcycle lanes ngunit wala pa naman umanong huhulihin.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.