Isabel Lopez inihirit ang pagiging senior citizen sa paggamit ng ASEAN lane

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 12:09 PM

MANILA - Nakiusap ang aktres at beauty queen na si Maria Isabel Lopez sa Land Transportation Office, Huwebes, na ikonsidera ang kaniyang pagiging senior citizen kaugnay ng mga hinaharap niyang reklamo dahil sa pagbiyahe sa ASEAN lane. 

Sa mga post sa Facebook at Instagram, ikinuwento ni Lopez na tinanggal niya ang ilang traffic cone nitong Sabado upang makabiyahe sa bahagi ng EDSA na nakareserba para sa mga delegado ng ASEAN Summit. 

"MMDA thinks I’m an official ASEAN delegate. If you can’t beat ‘em, join them," ani Lopez sa caption ng ilang video. 

Sa kanyang pagharap sa LTO, ipinaliwanag din ni Lopez na nagpaalam siya sa isang traffic enforcer para makadaan sa ASEAN lane. 

Aniya, "Sinabi ko naman sa kanila na ang intention ko is not to breach the security, because I was talking to an MMDA official. If there was an intention, I would not have talked to him." 

Idiniin din ni Lopez na wala siyang record ng kahit anong traffic violation bukod sa paggamit ng ASEAN lane. 

Inatasan ng LTO si Lopez na magsumite ng formal position paper. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Bibigyan po natin ng pagkakataon si Ms. Lopez na i-justify po kung bakit hindi dapat sya masuspinde o ma-revoke ang lisensya niya," sabi sa DZMM ni Atty. Francis Almora, director ng LTO law enforcement service. 

"Puwede pong magkaroon ng suspension up to 1 year; yung revocation is may possible for a certain period of time or perpetual revocation from holding po ng driver's license." 

Maglalabas aniya ang LTO ng pasya 5 araw matapos matanggap ang paper ni Lopez. 

Una nang sinabi ni Lopez na may mga sasakyang naunang dumaan sa ASEAN lane na kanyang ginamit noong Sabado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.