Davao City Mayor Sara Duterte bumisita sa Marawi para magbigay tulong

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 08:56 PM

Bumisita si Davao City Mayor Sara Duterte sa Marawi City nitong Huwebes para personal na magbigay ng tulong. Handout/City Government of Davao

DAVAO CITY – Personal na iniabot ni Davao City Mayor Sara Duterte ang P5-milyong tulong pinansiyal para sa Marawi City nang bumisita ito Huwebes.

Maagang bumiyahe patungong Marawi City si Duterte kasama si Taguig City Mayor Lani Cayetano.

Kasama sa layunin ni Duterte ang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Marawi sa pamamagitan ng sisterhood ng dalawang lungsod para sa mabilis na rehabilitasyon nito.

Karamihan ng mga gusali at kabahayan sa lungsod ay nasira dahil sa limang buwang labanan sa gitna ng mga tropa ng gobyerno at mga terorista na natapos nito lamang Okt. 23.

“I-handover ‘yong letter from me about sa sisterhood ng Davao City and Marawi. Willing kami to help them sa planning, social services and tulong sa pag-rebuild sa Marawi,” ayon kay Duterte.

Pagdating sa Marawi, dumiretso sa main battle area si Duterte at nag-alay ng kandila at mga bulaklak para sa mga namatay sa giyera.

Bumisita din sila sa isang paaralan para alamin ang kalagayan ng mga bata na nakabalik na sa pag-aaral, at para hikayatin ang mga ito na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na magsumikap sa pag-aaral.

“Small chat to them to inspire them and to explain to them ano ang importansiya ng pag-aaral,” ani Duterte.

Bumisita si Davao City Mayor Sara Duterte sa Marawi City nitong Huwebes para personal na magbigay ng tulong. Handout/City Government of Davao

Ang nasabing hakbang ay kaakibat ng programang Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines na una nang nagbigay ng P1.5 milyong halaga ng mga relief goods sa Marawi noong kasagsagan ng giyera.

Maliban sa donasyon ng Davao City, nagbigay din ang lokal na pamahalaan ng Taguig ng P5 milyon para sa early child care development at livelihood assistance para sa mga residente ng Marawi.

“Gusto nating ipakita na ang iba’t ibang LGU (local government unit) gumagawa ng paraan. Hindi natin ito gusto mangyari sa kanila kaya ipakita natin na hindi sila nag-iisa,” ani Cayetano.

Plano din nila na magpatayo ng memorial site para sa mga biktima ng giyera.

Nagkasa na ang gobyerno ng rehabilitation program para sa pagbangon ng Marawi. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.