9 banyaga, hinarang ng pulis sa Misamis Oriental

Joey Taguba, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 10:19 PM | Updated as of Nov 17 2017 12:34 AM

Siyam na banyaga ang hinarang ng pulis sa isinagawang checkpoint sa bayan ng Opol, Misamis Oriental.

Isinumbong ang mga banyaga ng mga residente sa pulis, ayon kay Senior Insp. Dennis Rowell Flores, hepe ng Opol Municipal Police Station. Pero pinakawalan din naman ang mga ito matapos ang background check.

Apat sa mga banyaga ay mula sa Cambodia, apat pa mula sa Thailand, at ang isa ay Indonesian.

Ayon sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), legal ang pagbisita ng mga foreigner bilang parte ng Farmer-to-Farmer Exchange Program ng Asian Peasant Coalition.

"Sila ay magsasaka sa oil farm sa Cambodia, Thailand, at Indonesia. Nakikipag-usap sila sa mga magsasaka dito sa Opol, Misamis Oriental," sabi ni Antonio Flores, KMP secretary-general.

Dagdag niya, matindi ang problema ng land grabbing sa Opol, Misamis Oriental kaya sinusuri ng mga foreigners ang lugar dahil kapareho ito ng mga nangyayari sa kani-kaniyang mga bansa.

Para naman kay Bishop Felixberto Calang, hindi kanais-nais ang ginawa ng mga pulis para sa mga bisita.

"Holding them will be a traumatic experience on the part of the foreigners who will come and see us here," sabi ni Calang na kabilang sa mga nakipagnegosasyon sa mga pulis.

Nilinaw naman ni Flores na tiniyak lang nila ang seguridad ng mga residente matapos ang nangyaring giyera sa Marawi City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.