5 person of interest sa rape-slay sa Pasig, lulong umano sa droga

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 08:32 AM

MANILA - Hinihinalang gumagamit ng bawal na gamot ang 5 "person of interest" sa paggahasa, pagpatay at pagsunog sa isang 22-anyos na empleyada ng bangko sa Pasig, sinabi ng isang imbestigador, Huwebes.

Iniulat ng kanyang pamilya na nawawala ang biktimang si Mabel Cama nitong Sabado ng umaga matapos siyang mabigong makauwi noong Biyernes ng gabi.

Nitong Linggo, natagpuan ang halos hubad na bangkay ni Cama sa isang abandonadong office building, 40 metro ang layo mula sa kanyang bahay sa Ortigas Avenue Extension, Barangay Rosario.

Ilang oras bago nito, may nagtangkang sumunog sa gusali, pero naapula ito ng mga residente. Wala namang residente na pumasok sa gusali kaya inabot pa ng tanghali bago nakita ang bangkay ni Cama.

Isang saksi ang huling nakakitang buhay sa dalaga habang kumakatok siya sa gate ng kanilang residential compound noong Biyernes ng gabi, sabi ni Senior Supt. Roberto Garcia, hepe ng investigation division ng Pasay police.

Batay sa narekober na cellphone ng biktima, 2 beses pa aniya itong nakapag-text sa kaniyang kapatid na pagbuksan siya ng gate, alas-11:41 at alas-11:47 ng gabi. Hindi na naipadala ang ikatlo niyang text message, alas-12:47 Sabado ng umaga.

Habang kumakatok ang dalaga sa gate, ilang lalaki ang nakita ng saksi na umaaligid sa lugar. Kabilang sila sa mga itinuturing na person of interest, sabi ni Garcia.

"Iyung mga tinutukan po naming persons of interest, ang alam po namin, gumagamit ng droga," sabi ng pulis sa panayam ng DZMM.

"Iyung iba ay nakausap na po namin at nakuhanan ng salaysay. Balak din po namin sana ay magkaroon din ng mapping sa kanila."

Dagdag ni Garcia, may 4 na security guard malapit sa gusali kung saan natagpuang patay si Cama. Iniimbestigahan na kung bakit hindi nila napansin ang krimen.

Walang aniyang CCTV camera sa lugar gayundin sa tapat ng bahay ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.