5 bata, ulila sa ina, iniwan ng ama, pero patuloy sa pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 08:41 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Limang magkakapatid ang iniwan ng kanilang sariling ama sa Davao at kasalukuyang binabantayan lamang ng nagmamalasakit na kapitbahay. 

Napapaiyak na lang ang 10 taong gulang na si 'Eric' sa hirap ng kanilang kalagayan ngayon.
    
Sa murang edad, walang kamag-anak na nag-aaruga sa kaniya at sa apat niya pang kapatid.

Magdadalawang buwan na nang mamatay ang kanilang ina na nakagat ng asong may rabies.
    
Nasa Maynila naman ang kanilang ama at meron na umanong ibang pamilya.

Ang kapitbahay nilang si Junel Camahalan ang pansamantalang tumitingin sa mga bata ngayon.

Gayunpaman, patuloy pa ring pumapasok sa eskuwela ang 5 bata.

Nasa Grade 5 ang magkapatid na 'Eric' at 'Joel', Grade 1 ang nakababata nilang kapatid na si 'Enzo', habang nasa high school naman ang mga nakatatanda nilang kapatid.

Sinisiguro na lang ng kanilang mga guro na nakakakain sila sa feeding program ng paaralan.

"Mino-monitor namin ang kanilang nutritional health status. May teacher na gusto sana silang i-adopt pero walang kamag-anak na makapagbigay ng consent. Ang ama naman, ayaw pumayag," ani Marilou Anajao, guidance counselor sa paaralan ng mga bata.

Ipatatawag ng City Social Services and Development Office (CSSDO) ang kaanak ng mga bata.

"Hindi puwede na mag-refuse sila. Ipapatawag natin sila kung sino sa kanila ang gusto magkupkop sa kanila," ani Lyda Rodrigo, opisyal ng CSSDO Talamo District. 

Babala ng social welfare office, kakasuhan nila ang ama kung hindi niya kukunin at aalagaan ang mga bata. --Ulat ni Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.