2 binatilyong dawit sa panghoholdap sa mga naka-tricycle, timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 10:28 PM

Arestado sa follow-up operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawa sa limang binatilyong holdaper na notoryus umano sa Commonwealth Avenue, Old Balara, at Payatas.

Unang naaresto ng mga pulis ang isa sa mga suspek na nag-aabang na muli ng mabibiktima. 

Nang mahuli, itinuro naman nito ang tahanan ng isa pang kasamahan, na agad pinuntahan ng awtoridad. 

Kasama ng mga pulis ang ilang nabiktima ng mga suspek, na positibo silang kinilala. 

"Siya po talaga. Sinuntok pa po ako niyan at tinutukan ng kutsilyo, sabay kinuha ang mga cellphone namin," pagkumpirma ng biktimang si alyas 'Sarah'.

Istilo umano ng mga kabataang holdaper na ito na pumara ng mga tricycle at saka hoholdapin ang mga sakay. 

Narekober naman ang ilan sa nakaw na laptop, bag, at patalim mula sa mga suspek. 

Ang mga teenager ang itinuturong nangholdap din sa limang magkakaibigan na galing lang sa outing at sakay din ng tricycle noong Nobyembre 13.

Ayon sa QCPD, limang insidente na ng panghoholdap ang kinasasangkutan ng mga suspek na may edad 18 pababa. 

Patuloy ang kanilang operasyon upang matugis ang tatlo pang kasamahan ng grupo. 

Sa datos naman ng QCPD, umabot na sa 518 ang insidente ng robbery-holdap sa lungsod mula Hunyo hanggang Nobyembre ng taong ito. Nasa 181 pa lang sa mga kaso ang nareresolba. 

Paalala ng QCPD, magdoble-ingat ngayong papalapit na ang Kapaskuhan dahil nagkalat umano ang mga kawatan.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.