1 patay, 2 sugatan sa banggaan ng motorsiklo at kotse sa QC

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 05:31 AM | Updated as of Nov 16 2017 05:34 AM

Patay ang isang rider habang sugatan ang kanyang dalawang angkas matapos mabangga ang sinasakyang motorsiklo sa isang kotse sa EDSA corner Nueva Ejica St. sa Barangay Ramon Magsaysay, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Jomar Rosas, 23 anyos.

Sugatan naman ang kanyang kasamahan na sina Jobelyn Grecalde, 19 anyos, at Maricar Valdez, 26 anyos.

Kuwento ng driver ng kotse na si Jerwin Dagdag, kakaandar lamang niya ng sasakyan at paliko na siya nang mabangga ng motor na mabilis umano ang takbo.

Aminado ang isa sa mga angkas na matulin ang takbo nila dahil hinahabol umano sila ng MMDA.

Sa lakas ng impact, basag ang bintana sa may harapan ng kotse.

Ayon sa mga testigo, nalapatan pa ng paunang lunas si Rosas pero nabawian ito ng buhay pagdating sa ospital. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.