P500,000 na shabu nasabat sa Naga

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2016 06:54 PM

NAGA CITY — Aabot sa 60-gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng kalahating milyong piso ang nasabat ng mga otoridad sa isang bahay sa Barangay Liboton, Naga City, noong Martes.

Pasado alas-tres kaninang hapon nang pasukin ng City Anti-Drugs Task Force (C.A.T. Force) ang bahay ng mag-asawang Michael Alyas "Mata" at Desiree Soriano na ayon sa intelligence report ay matagal nang nagbebenta ng iligal na droga.

Tanging si Michael ang nadatnan ng operatiba sa bahay kasama ang tatlong lalaki at isang babae na pinaniniwalaang mga parokyano ng mag-asawa. Kinilala ang mga hinihinalang adik bilang sina Ryan Joseph Santiago, Ruel Ibarreta, Rodel Brocalos, at Maria Flora Lee-Oliver. 

Sa bisa ng search warrant ginalugad ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang bahay at natagpuan sa loob ng kabinet sa kwarto ng mag-asawa ang isang malaking plastic sachet laman ang hinihinalang shabu. 

Habang isinasagawa ang search, walang kaalam-alam namang dumating sa lugar ang asawa na si Desiree na agad na ring inaresto ng mga otoridad.

Ayon sa CAT Force, halos dalawang buwan nilang minanmanan ang lugar bago ito tuluyang napasok. Bagong bagsak o kaka-deliver pa lamang umano kay Michael ang nakuhang droga.

Paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin na kaso ng mag-asawang Soriano.