1 patay, 24 sugatan sa tumagilid na jeep sa Nueva Vizcaya

Danielle Rebollios, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2016 04:14 PM

Isa ang namatay habang 24 iba pa ang sugatan matapos na tumagilid ang isang jeep sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Hindi na nakarating pa sa sana'y spiritual mission sa Ifugao ang 27 magkaka-barangay na sakay ng jeep matapos tumagilid ang sasakyan sa national highway ng Barangay Lantap pasado alas-4 ng hapon noong Sabado.

Sa imbestigasyon, nawalan ng control sa manibela ang driver nang kanyang iwasan ang nag-overtake na kasalubong na jeep.

Nasa 17 umano ang sakay ng jeep sa loob habang 10 ang nag-top load.

Ang aksidente ay naging sanhi ng pagkamatay ng dalagita na si Mylene Benigno, 15-taong gulang at taga Asipulo, Ifugao.

Dinala naman sa iba’t-ibang pagamutan ang mga ka-barangay ni Benigno na nasugatan. Tatlo dito ay nasa intensive care unit.

Nakaligtas naman ang driver at katabi nito.

Muli namang nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na mag-ingat at iwasan ang mag overload.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.