MAYNILA—Nadiskubre na malaking bahagi ng budget ng Department of Public Works and Highways ay nakalaan lang sa pagsasaayos ng mga imprastraktura at kalsada.
Kwinestyon sa Senado kung para sa "Build Better More" infrastructure program ba talaga ang budget ng DPWH o para lang sa maintenance.
Sa komputasyon ni Senador Alan Peter Cayetano kasi, aabot sa mahigit P200 billion ang iba’t ibang item sa budget ng ahensya na puro pang-maintenance .
Halos 1/3 umano nito ng kabuuang panukalang 2023 budget ng DPWH.
Kabilang dito ang P104 billion na pondo para sa construction at maintenance ng flood mitigation projects at P1.5 billion na preventive maintenance for foreign assisted projects.
Sabi ni Cayetano, tila hindi naman naglalaan ng pondo para gumawa ng bagong networks at puro pang-maintain, repair at rehabilitate ang pera.
Marami rin aniyang nagawang infrastructure project noong panahon nina dating Pangulong Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte, at pati noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Tanong ni Cayetano, mali ba ang pagkagawa ng mga kalye noon kaya ayos nang-ayos ngayon ang DPWH.
Sagot ni Sen. Sonny Angara, na tumatanggol sa budget ng DPWH, wala na raw kasing kalsadang gagawin sa national level kaya nagshi-shift na ang DPWH sa maintenance ng mga kalsadang gawa na.
Pero kinontra ito ni Cayetano dahil napakalaki pa aniya ng pangangailangan sa farm to market roads.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.