Paghatid ng ayuda sa ilang lugar sa Cagayan, mahirap pa rin

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2020 06:44 PM

Watch more in iWantTFC

Pahirapan ang paghatid ng ayuda sa ibang bahagi ng Cagayan province dahil pa rin sa lalim ng baha.

Magugunitang nakaranas nitong mga nagdaang araw ng matinding pagbaha ang Cagayan at Isabela dahil sa tubig na galing sa mga karatig-lalawigan at pagpapakawala ng Magat Dam kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Sa highway papunta sa bayan ng Alcala, Cagayan, kasama sa mga naipit sa trapiko ang mga truck na may kargang ayuda para sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha.

May ibang tao na isinugal ang mga sasakyan para makatawid ng baha habang ang iba'y isinakay ng mga sundalo sa mga bangka.

Pasado alas-2 ng hapon, sinubukan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na tawirin ang baha, bitbit ang donasyon ng isang negosyante.

Pero dahil tinatantsa ang lalim ng tubig, hanggang itsa na lang muna ng ayuda.

Ang ilang residente ay nag-abang ng tulong mula sa mga bubong at balkonahe ng kanilang mga bahay, lalo't hindi pa umano sila makababa sa unang palapag ng kanilang mga bahay dahil sa baha.

Nagsimula namang humupa ang baha sa ilang lugar sa Tuguegarao City kaya nakabalik na sa kanilang mga bahay ang ilang residnte at nagsimula nang maglinis ng kanilang mga nabasa at naputikang gamit.

Watch more in iWantTFC

Ngayong Linggo, bumisita rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa Cagayan Valley para silipin ang laki ng pinsalang tinamo ng rehiyon dahil sa bagyong Ulysses at matinding pagbaha.

Pinaiimbestigahan ni Duterte ang pagmimina sa rehiyon, na pinaniniwalaan niyang sanhi ng pagkasira ng gubat na siyang nagdulot ng pagbaha.

Para makatulong naman umano sa muling pagyabong ng mga bundok, iminungkahi ni Transport Secretary Art Tugade na puwede niyang obligahin ang lahat ng kukuha ng prangkisa sa Department of Transportation na magtanim muna ng puno.

Gusto naman ipasilip ni Interior Secretary Eduardo Año kung dapat bang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council na ang humawak sa pagpapakawal ng tubig mula sa mga dam tuwing panahon ng sakuna.

Inanunsiyo rin ni Agriculture Secretary William Dar na bibigyan nila ang Cagayan ng P846 million para maibangon muli ang sektor ng agrikultura doon habang P1 bilyon naman sa Isabela.

Pinaalala rin ni Dar na bawal sa batas na magtaas ng presyo ng pagkain at gamot sa mga lugar na nasa state of calamity.

Para naman sa mga nawalan ng hanapbuhay, pinayagan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Cagayan at iSabela na magpatupad ng cash-for-work program.

-- Ulat nina Chiara Zambrano, Jeff Canoy, at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.