Nananatiling lubog sa baha ang ilang lugar sa Santo Tomas, Isabela ngayong Linggo kasunod ng pag-apaw ng tubig sa Cagayan River. Jervis Manahan, ABS-CBN News
Lubog pa rin sa tubig baha ang mga taniman ng mais sa ilang bayan sa Isabela kasunod ng pag-apaw ng Cagayan River, base sa aerial survey na isinagawa ng ABS-CBN News ngayong Linggo.
Mula Cauayan Airport, nag-ikot ang Sky Patrol sa mga bayan ng Cabagan at Santo Tomas, at Cauayan City kasama ang crisis expert na si Dr. Ted Esguerra.
Bakas sa pag-iikot ang pinsalang iniwan ng baha sa mga bayan, bunsod ng pag-apaw ng Cagayan River dahil sa tubig na nanggaling sa mga karatig-lalawigan at pagpapakawala ng Magat Dam.
Sa Santo Tomas, na-isolate o hirap mapuntahan ang ilang komunidad.
Lubog pa rin ang ilang taniman sa Isabela. Jervis Manahan, ABS-CBN News
Humupa naman na ang baha sa Cauayan at wala ring naitatalang casualty sa lungsod, ayon sa lokal na opisyal.
Ayon kay Cauayan disaster official Ronaldo Viloria, ang naranasang baha ang pinakamatinding pagbaha sa Cauayan sa loob ng isang dekada.
Pangunahing pangangailangan umano ngayon ng Cauayan ang tubig, pagkain at mga gamit panlinis.
Ayon kay Esguerra, maraming salik kung bakit tumindi ang pagbaha sa Isabela.
Isa na umano rito ang Cagayan River, ang pinakamalaking river system sa bansa na may 3 tributary: Ilagan, Magat at Chico River.
Ayon kay Esguerra, kailangan pahusayin ang monitoring at alert system.
Makatutulong din ang pagtatanim ng puno at pag-invest sa siyensiya para masolusyonan ang problema sa pagbaha.
-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Isabela, Cauayan, Cagayan floods, Cagayan River, Santo Tomas, Cabagan, Sky Patrol, aerial inspection, baha, rehiyon, regional news, regions