PatrolPH

Marijuana nagkakahalaga ng P3 milyon, nasamsam sa Caloocan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2020 08:51 AM

MAYNILA - Timbog ang apat na lalaki na nakuhanan ng tatlong milyong pisong halaga ng droga sa lungsod ng Caloocan. 

Ayon kay Police Lt. Col. Hector Amancia, hepe ng Novaliches Police Station, nagkasa sila ng buybust operation sa pakikipag-ugnayan sa Caloocan Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakakuha ng impormasyon ang QCPD Station 4 Drug Enforcement Unit ng timbre ukol sa iligal na gawain ng isang suspek na nasa watchlist sa Barangay San Agustin sa Quezon City, pero nakatira ngayon sa Caloocan. 

Nakipagkita ang police poseur buyer sa 27 anyos na suspek at matapos bumili ng marijuana, agad hinuli ang lalaki na online seller. Timbog din ang tatlong kasamahan ng lalaki na wala pang record sa pulis - kabilang ang isang estudyante at isang cook. 

Nakuha sa kanila ang nasa 26 kilo na marijuana na nasa loob ng mga plastic bag at yung iba ay nasa kahon. Aabot sa higit P3 milyon ang halaga ng mga nasamsam na marijuana. 

Aminado ang pangunahing suspek na nagbebenta siya ng droga at nagsisisi na aniya siya. Nakakulong na ang mga suspek sa QCPD Station 4 sa Novaliches.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.