Ilang taga-Malilipot, Albay lumikas dahil sa banta ng landslide

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2020 02:15 PM | Updated as of Nov 15 2020 06:22 PM

Mga binahang residente ng Camalig, Albay noong Nobyembre 6 kasunod ng pananalasa ng Bagyong Rolly. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nakaligtas man sa pananalasa ng bagyong Rolly at Ulysses ang bahay ni Myrna Clete sa Malilipot, Albay, lantad pa rin ito sa banta ng pagguho ng lupang epekto ng mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Clete, halos gabi-gabi ay may naririnig siyang pagguho sa kanilang lugar sa Barangay San Roque.

"Takot na takot. Bago mahiga, makatulog man sana magdamag, tapos maririnig ko dumadagundong," ani Clete.

Nanghihinayang si Clete na iwanan ang bahay lalo't nagpundar siya para rito.

Watch more in iWantTFC

Aalis na rin sa kaniyang bahay sa parehong lugar si Sheila Barallas dahil sa takot sa landslide.

"Nakakatakot po. Talagang napakataas ng bangin," ani Barallas.

Ayon kay Josefina Binas, chairperson ng Barangay San Roque, nasa higit 50 bahay ang nanganganib sa pagguho ng lupa kaya kailangang ilikas ang mga nakatira roon.

Pero problema kung saan patutuluyin ang mga lilikas na residente.

"Evacuate muna namin sila sa eskuwelahan kasi wala naman silang relocation na puwede ma-stay-an," ani Binas.

Naghihintay din ng tulong ang barangay mula sa lokal na pamahalaan.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong umaga ng Linggo, umabot na sa 67 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng Ulysses sa bansa.

Sa bilang na iyon, 8 ang taga-Bicol region.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.