Evacuation centers sa Rodriguez, Rizal siksikan pa rin

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2020 05:09 PM | Updated as of Nov 15 2020 06:18 PM

Siksikan pa rin sa mga evacuation center ang halos 14,000 residente ng Rodriguez, Rizal na hindi pa rin makablik sa kani-kanilang bahay dahil sa makapal na tubig.

Emosyonal pa rin si Marilou Gimpes sa tuwing maaalala kung paano sila na-trap sa bubong ng bahay sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses sa Rizal.

Nakaligtas man, tuloy ang kanilang kalbaryo sa evacuation center.

"Hindi namin alam kung papaano gagawin naming ngayon. Pinansyal, wala ako; pambili ng tubig, humihingi ‘yong anak ko, wala; sabon, wala; toothpaste, wala," ani Gimpes.

Nagkakasakit na ang mga matatanda at mga bata pero walang gamot.

"Ang hirap talaga sa totoo kasi iyang special child ko, kailangan may maintenance na gamot. Wala na siyang gamot," ani Norkes Pascolado.

Bagaman may dumadating na ayuda, hindi umano ito kasya sa dami ng nangangailangan.

Watch more in iWantTFC

Halos 14,000 indibiduwal ang tumutuloy pa rin sa 16 na itinalagang evacuation center sa Rodriguez, Rizal.

Pero siksikan ang mga tao, walang kuryente at tubig, at limitado ang relief goods.

"'Pag nagbibigay po ng ayuda, kailangan makipagbalyahan ka kasi kung hindi... kawawang-kawawa ka," anang evacuee na si Emma Motoya.

Ang mga bata'y naliligo sa naipong tubig sa fish pond ng eskuwelahan, na pinagkukuhanan din ng ilan para ipambuhos sa banyo.

Sa hirap ng situwasyon, ipinagtataka ng ilang evacuee kung nasaan ang kanilang mayor.

Sa video sa Facebook page ni Mayor Tom Hernandez ngayong Linggo, ipinakita ng kaniyang grupo ang pamimigay ng pamahalaang lungsod ng relief goods.

Bukod sa relief goods, hiling ng mga residente ang pangmatagalan nang tulong tulad ng relokasyon.

Mahigit 3,000 pa ang walang kuryente sa Rodriguez, ayon sa Meralco.

Sinisikap naman ng Manila Water na maibalik ang supply ng tubig sa buong lalawigan. Nagpapaikot din sila ng water tanker sa mga evacuation center.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.