16 barangay sa Enrile, Cagayan hirap pa ring mapuntahan

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2020 02:00 PM

Lubog sa baha ang Enrile, Cagayan. Retrato mula sa lokal na pamahalaan ng Enrile

Nasa 16 na barangay sa Enrile, Cagayan ang isolated o hirap mapuntahan kasunod ng matinding pagbahang naranasan sa lalawigan matapos manalasa ang bagyong Ulysses.

Ayon kay Enrile Mayor Miguel Decena Jr., tanging dump trucks na may dalang relief goods lang ang nakatatawid papunta sa mga barangay.

May 22 barangay ang bayan ng Enrile. 

Ayon kay Decena, dahil maraming residente ang ayaw magpa-evacuate, ipinatupad ng lokal na pamahalaan ang "adopt a neighbor."

Sa ilalim nito, pansamantalang kukupkupin ng mga residente na may 2 o 3 palapag na bahay ang kanilang mga kapitbahay na lubog sa baha.

Unti-unti naman nang bumabangon ang ibang residente matapos humupa ang baha sa ibang barangay.

Puno pa rin ng makapal na putik at tubig ang mga binahang bahay kaya abala ang mga taga-Enrile sa paglilinis.

Umapela naman ang mga taga-Enrile ng pagkain, maiinom na tubig, at mga kahoy pangkumpuni ng mga bahay.

Nalubog sa matinding pagbaha ang Cagayan province mula noong Biyernes dahil sa tubig na nanggaling sa mga nakapaligid na lalawigan at pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam, kasunod na rin ng pagtama ng Bagyong Ulysses sa Luzon.

- Ulat ni Danielle Rebollos
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.