SAPUL SA CCTV: Pulis tinadyakan, inuntog sa poste ang isang bata sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 07:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Viral sa social media ang CCTV footage kung saan kita ang panggugulpi ng isang pulis sa mga bata sa Pandacan, Maynila. 

Sa video, kita ang pagdating ng pulis na tila may hinahanap sa isang bahay.

Nabaling ang kaniyang atensiyon sa isang batang lalaking nakasuot ng pulang shorts na bigla niyang binatukan.

Hindi pa nakuntento ang lalaki, inulit pa ang pambabatok. Tinadyakan pa niya ang bata at iniuntog ang ulo sa poste habang hawak niya sa batok.

Sinipa at itinulak din ng lalaki ang iba pang kasama ng bata na pawang mga menor de edad.
    
Ayon sa mga residente, nabasag ng mga bata ang salamin ng sasakyan ng pulis kaya sila pinuntahan nito.
    
Sabi naman ng ina ng isa sa mga batang sinaktan, sinabi ng kaniyang anak na totoong nahampas nito ang salamin pero hindi daw ito nabasag.

Kinumpirma ng isang opisyal ng Pandacan police station 10 na pulis nga ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang lalaki sa video, na kinilalang si Police Mst. Sgt. Dennis Piad.

Sa ngayon, pinoproseso na ng Pandacan police station 10 ang pagsasampa ng kaso laban kay Piad.
    
—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.