Pulis-Maynila na nanggulpi ng bata, sinibak sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 09:29 PM | Updated as of Nov 15 2019 09:44 PM

MAYNILA — Sibak sa puwesto ang isang tauhan ng Manila Police District (MPD) na si Police Mst. Sgt. Dennis Piad na nag-viral sa social media dahil sa panggugulpi sa mga menor de edad.

Ayon kay Police Lt. Col. Carlo Manuel, hepe ng MPD public information office, mismong si MPD director Brig. Gen. Bernabe Balba ang nagpasibak kay Piad para maimbestigahan ito.

Sa isang kumalat na video, makikita ang pagiging bayolente ng pulis laban sa mga batang nakabasag umano ng salamin ng kaniyang sasakyan.

Makikita sa video na binatukan, tinadyakan, at inuntog sa poste ni Piad ang isang bata.

Ayon kay Manuel, posibleng maharap si Piad sa mga kasong kriminal at administratibo.

Nakadestino si Piad sa MPD Traffic Enforcement Unit at hindi pa nagbibigay ng kaniyang panig. —Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.