Militar, nagtayo ng mga palikuran para sa mga bakwit sa Davao del Sur

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 10:12 PM

Nagtayo ang 52nd Engineering Brigade ng Philippine Army ng mga palikuran sa mga evacuation center sa bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur dahil di kasya sa dami ng mga bakwit ang mga kasalukuyang restrooms.

MAGSAYSAY, Davao del Sur - Nagsimula nang gumawa ng mga permanenteng palikuran ang mga inhinyero ng Philippine Army sa mga evacuation center oara sa mga residenteng apektado sa lindol sa Magsaysay, Davao del Sur.

Naging problema ang kawalan ng palikuran sa ilang evacuation center.

Ang ibang may palikuran, kagaya ng evacuation center sa Barangay Tacul, ay di sapat sa dami ng mga taong gumagamit.

Ayon kay Evelyn Calnipa, mapapauwi sila noon sa kanilang bahay kahit delikado, kung magbabawas sila dahil nag iisa lang ang palikuran ng kanilang evacuation center sa Tacul Elementary School.

"Nagpapasalamat kami sa gobyerno kasi nagtayo sila ng CR sa amin. 'Di na kami uuwi pa sa bahay nito kung mag-CR," ani Calnipa.

Apat na palikuran at apat na banyo ang itinayo ng militar sa lugar.

"Ang LGU (local government units) po ang nagpoprovide ng materyales. Kami na po ang nagpapatayo nito" ani Lt. Christopher Peña.

Sinisiguro ng lokal na pamahalaan ng Magsaysay na permanente na ang mga palikuran sa bawat evacuation center para may magamit agad ang mga evacuees.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.