Mahilig magpa-food delivery? Pulisya nagbabala vs rider na akyat-bahay pala

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 06:16 PM | Updated as of Nov 15 2019 08:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagbabala ang pulisya laban sa umano'y food delivery rider na modus pala ang pagiging akyat-bahay. 

Sa CCTV footage na kuha sa Barangay 595 sa Maynila noong nakaraang linggo, nahagip sa video ang motorcycle rider na dumaan bandang alas-3 ng madaling araw sa Road 4.
    
Lumagpas ito bahagya at pumarada sa labas ng isang gate na nakabukas. Bumaba ito sa motor at nagpalakad-lakad sa lugar.
    
Pagtapat sa gate, bahagya niyang tinakpan ang mukha niya dahil napansin niya ang CCTV, saka ito pumasok sa gate.

Makalipas ang ilang minuto, lumabas siya at mabilis na umalis tangay ang wallet ng isang tenant sa 4th floor.

"May laman daw 'yun na P4,000 at mga ID at credit card," sabi ni Barangay 595 chairman Mole Canino.

Noong Lunes ng madaling araw, nahuli ang lalaki na kinilalang si John Pingol habang nanloloob muli sa isa pang bahay.

"Allegedly ito ay naaktuhan na pumasok sa isang compound... Nung nahuli siya ang sinasabi niya is isa siyang delivery boy ng fast food chain," sabi ni Police Lt. Col. Rodrigo Soriano. 

Hinala ng pulis, part-time kawatan din ang delivery boy.

"Pumapasok sila as delivery boy at ang pakay talaga nila ay magnakaw... Dun sila nakakapag-casing," sabi ni Soriano. 

Kaya payo ng pulis sa mga mahilig magpa-deliver ng pagkain, huwag bigyan ng pagkakataon ang mga kawatan na mapag-aralan ang kanilang bahay.
 
"Kung maaari, abangan niyo na sa gate niyo. Huwag niyo pakita loob ng bahay niyo at makikita nila ilan ang mga taong andun," payo ni Soriano. 

—Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.