Isda sa papel? DENR aminadong mahirap magpatupad ng 'no plastic' policy

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 06:57 PM

MAYNILA — Inamin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi magiging madali ang pagpapatupad sa "single-use plastic" ban na isinusulong ng maraming grupo. 

Kasabay pa ito sa pagpapalutang ni Pangulong Rodrigo Duterte ng posibleng nationwide plastic ban. 

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, hindi agad maipatutupad ang pagbabawal sa single-use plastic dahil kailangan munang maglatag ng alternatibong paraan dito. 

Ibinigay na halimbawa ni Antiporda ang pagbili ng isda sa mga palengke. Hindi naman aniya pupuwedeng ibalot sa papel o diretsong ilagay sa bayong ang mga ito dahil malansa. 

Giit ni Antiporda na ang tututukan muna nila ngayon ay ang mga kakaibang alternatibo gaya ng paggamit ng bag na gawa sa cassava starch.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya siya sa kanilang Solid Waste Division, Department of Agriculture, at Department of Trade and Industry para pag-usapan ang mga ito. 

—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.