Holiday rush na sinabayan ng payday nagpabigat ng trapiko sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagkabuhol-buhol ang trapiko sa EDSA nitong Biyernes, dala ng Payday Friday na sinabayan ng pagsisimula ng Christmas rush, o iyong pagdagsa ng mga mamimili sa mall para mamili ng mga regalo at ihahanda para sa Pasko. 

Ayon kay EDSA Traffic Management Chief Bong Nebrija, sa parehong northbound at southbound lane ng EDSA naitala ang trapiko, na nagtagal kahit pa man walang rush hour. 

Sinabayan pa aniya ito ng mga aksidente na nangyari sa kalagitnaan ng kalsada. 

Napagkasunduan na rin ng 15 sa 17 malls na hindi sila magkakaroon ng weekday sale. Hindi makakasunod ang dalawang mall dahil naanunsiyo na ang gaganapin nilang sale. 

Hinihingi na rin ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan ang schedule ng mga Christmas bazaar para mapag-aralan kung paano pangangasiwaan ang trapiko. 

Inaasahan kasing magdudulot pa ito ng matinding trapiko habang papalapit ang Pasko. 

Ayon kay Nebrija, lalala pa ang trapiko sa mga susunod na linggo, lalo't magsusulputan na ang mga Christmas bazaar. 

"It will get worse. Wala eh, talagang ganyan naman na ang traffic kapag kapaskuhan," ani Nebrija. 

Dahil dito, hinihingi na ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan ang schedule para mapag-aralan ang pangangasiwa ng trapiko. 

Samantala, magkakaroon pa ng weekend reblocking simula alas-11, gabi ng Biyernes, sa ilang parte ng sumusunod na kalsada. 

  •  General Luis St. Valenzuela
  •  Elliptical Road
  •  A. Bonifacio, Quezon City
  •  Katipunan Ave/C5 

Magsasara din ng lanes sa EDSA, P. Tuazon, Boni Serrano Southbound, Aurora Boulevard hanggang New York Ave. Northbound at G. Araneta Southbound. 

Bubuksan ang mga nabanggit na kalsada, alas-5 ng madaling araw ng Lunes, Nobyembre 18. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.