Bombmaker ng NPA, 2 menor de edad, sumuko sa Butuan

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 09:45 PM

BUTUAN CITY—Sumuko sa mga awtoridad ang tatlong miyembro ng rebeldeng grupong New People's Army (NPA) sa lungsod na ito Biyernes, at kabilang dito ay dalawang menor de edad.

Kasama sa mga sumuko ang 19-anyos na si "Marco" na, 14-anyos pa lang siya, ay ginawa na siyang courier ng NPA. 

Trabaho umano niya ang magbigay ng intelligence information sa NPA. Labing-anim na taong-gulang siya nang ginawa siyang full-time member ng NPA.

Dahil sa pagod, nagdesisyon umano siya na sumuko.

"Kakapagod na sa bundok, gusto ko na din makita mga kapatid ko dahil hindi ka basta basta makakahawak ng cellphone doon," aniya.

Ayon kay Lt. Col. Francisco Molina Jr., commanding officer ng 23rd Infantry Brigade ng Philippine Army, si Marco ang gumagawa at naglalagay ng mga bomba sa mga lugar.

Bukod kay Marco, sumuko rin ang dalawang menor de edad na naging political guide at medic ng NPA. 

Tinuro rin umano ni Marco ang pinagtataguan nila ng armas sa bundok.

Narekober din ang ilang armas. 

Bago pa sila na-recruit ng NPA, ay mga estudyante umano sila sa bayan ng Buenavista sa Agusan del Norte pero hindi nakatapos dahil sa pagpasok nila sa naturang grupo.

“Katulad ng ginawa nila na declaration on the protection of children, it’s a program and action plan nila pero sila mismo iyong nag-violate. Sabi nila hindi sila magre-recruit ng children," ani Molina.

Kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lugar ang mga menor de edad habang si Marco naman ay ipino-proseso ngayon para mapabilang siya sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.