3 Chinese na sangkot umano sa sex trafficking, timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 05:06 PM | Updated as of Nov 15 2019 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Timbog sa entrapment operation ang 3 Chinese national na sangkot umano sa sex trafficking sa Pasay City kamakailan. 

Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 3 sa isang five-star hotel sa Pasay City. 

Kinilala ang mga suspek na sina Liang Feng, Lu Fu Xing, at Chen Xun Bo, na parokyano umano ang mga kababayan na empleyado ng Philippine offshore gaming operators (POGO).

Sabi ng abogadong si Joel Tovera ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division, nire-recruit ng mga suspek ang mga babaeng Chinese para magtrabaho sa Pilipinas. 

Batay pa sa surveillance ng NBI, eksklusibong kostumer umano ng mga narerecruit sa prostitusyon ang mga kapwa nila Chinese. 

Hindi basta-basta ang transaksiyon ng grupo dahil online nagaganap ang pakikipag-usap nila sa kanilang mga kliyente.

Kinasuhan na ang 3 Chinese ng paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at iba pang kaugnay na kaso sa Pasay City Prosecutor's Office. 


—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.