Pagbubukas ng mala-'stairway to heaven' na footbridge ipinagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 12:05 PM | Updated as of Nov 15 2018 07:16 PM

Napagpasiyahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng kontrobersiyal na footbridge sa Quezon City sa gitna ng batikos na "delikado" at tila "stairway to heaven" ang taas nito.

Ani MMDA spokesperson Celine Pialogo, ipinagpaliban ito para bigyan pa ng oras na dagdagan ng railing at landing ang tawiran. 

Nakatakda sanang matapos ang konstruksiyon ng naturang footbridge, na nagkakahalaga ng P10 milyon, ngayong Huwebes.

Inaasahan daw na matatapos ang paggawa sa footbridge bago mag-2019, dagdag niya. 

Naunang sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na pananatilihin ang taas ng footbridge sa kabila ng batikos ng mga netizen na delikado ito para sa mga buntis, senior citizen at may kapansanan. 

Dati na ring iginiit ni Pialogo na akma ang tulay sa 5-meter clearance ng MRT.

Mas mamahal din daw sa P10 milyon ang halaga ng footbridge kung gagawin itong "tunnel-type."

-- May ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.