Misis, napatay ni mister dahil sa selos

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 08:02 PM

TULUNAN, North Cotabato – Matinding pagseselos umano ang nagtulak sa isang lalaki na patayin sa saksak ang kaniyang asawa sa Tambac sa nasabing bayan, Martes ng umaga.

Hindi matanggap ng pamilya ni Hilda, hindi niya tunay na pangalan, ang sinapit nito. Natagpuan ang bangkay ng biktima na may mga saksak.

Ayon sa pulisya, pasado alas-5 ng umaga ng Martes nang sunduin sa trabaho ng kaniyang mister ang 49-anyos na biktima.

Huminto ang mag-asawa sa isang masukal na lugar saka pinagsasaksak ng suspek ang kaniyang misis at iniwan na lang.

“Siguro itong lalaki nagseselos, may nabasa siya na mga text messages na may karelasyon itong kanyang asawa,” ayon kay Senior Inspector Ruebn Lambago.

Sabi naman ng amo ng biktima na nagkaayos na ang mag-asawa noong nakaraang linggo at napagkasunduan na ipasok rin doon ang kanilang anak para makampante ang asawa.

“Ipa work dito yung isang anak para makampante ang asawa kaya akala namin okay na sila,” sabi ni Frederick Magdaraog.

Ilang beses na rin umanong pinagbantaan ng suspek ang asawa.

Samantala, nasa kritikal na kondisyon naman ang suspek na uminom ng insecticide matapos ang krimen.

“Si nanay kasi nahuli may textmate. Nag iba na, nagbago. Ang kapatid namin ‘di maasikaso, wala na time umuwi. Sabi niya sunduin niyo si nanay niyo doon sa may puno. Nagkasala si papa, pero papa pa rin namin siya,” ayon sa anak ng mag-asawa.

Sa kabila ng pagpatay sa biktima, nagsumite ng manifesto ang pamilya sa pulisya na hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.