PatrolPH

'Jueteng' station sa QC sinalakay ng NBI; 60 timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 08:46 PM

Watch more on iWantTFC

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 60 matapos salakayin ang isang pasugalan na may operasyon ng "jueteng" sa apat na barangay sa Quezon City.

Bunsod ng reklamo mismo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pinasok ng NBI ang isang opisina sa Cubao nitong Miyerkoles na sinasabing isang gambling station.

Doon naabutan pang nagre-remit ng pera ang mga kabo sa lugar.

"Wala itong authority pero may mga logo silang ginagamit na PCSO," ani Manuel Fraginal ng PCSO.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, dating peryahan ang lugar pero dahil hindi sila nakakapag-remit ay nakansela ang kanilang prangkisa.

Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang operasyon ng pasugalan na sinasabing kumikita ng di bababa sa P600,000 kada araw.
    
Bukod sa Cubao, nangongolekta rin sa Baesa, Sangandaan, at San Bartolome ang mga kobrador nito. 

Maliban sa hindi pagbabayad ng buwis, wala ring katiyakan kung patas ang pasugalan.

"Hindi natin malalaman kung talagang totoo na nakakapagbola. Puwedeng daya-daya lang... Kung ilegal, kumbaga nababawasan ang pondo sa PCSO na nakakatulong sa bayan natin. ... Itinuturing na itong jueteng dahil ilegal ang operasyon," ani Atty. Fem Martinez, agent-on-case ng NBI. 

Ayon sa barangay chairman, wala siyang alam sa pasugalan. 

Depensa naman ng isang kobrador, hindi niya alam na ilegal pala ang gambling station.

Ayon naman sa hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7, dati na silang nang-aresto ng mga kobrador pero hindi nila alam ang naturang pasugalan.

"Clandestine kasi ito, nasa tabi ng bar, nasa eskinita at tago," ani Superintendent Giovanni Caliao, hepe ng QCPD Station 7.

Kakasuhan ng illegal gambling ang mga kabo, kobrador, at staff ng pasugalan. 
    
Iniimbestigahan naman ng NBI kung may mga protektor ito. 
    
—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.