'Balangiga Bells, posibleng maibalik sa Pilipinas sa Disyembre'

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 12:26 PM | Updated as of Nov 15 2018 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang higit isang siglo, pormal nang isasauli ng Estados Unidos sa Pilipinas ang pagmamay-ari sa tatlong Balangiga Bells.

Ani US Defense Secretary Jim Mattis sa isang seremonya sa Francis E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming, patitibayin ng pagbalik ng kampana ang relasyon ng Amerika at ng Pilipinas. 


 
"Bear these bells home back to their Catholic Church confident that America's ironclad alliance with the Philippines is stronger than ever," ani Mattis.

Ayon kay US Deputy Assistant Secretary of Defense sa South at Southeast Asia na si Joe Felter, posibleng maibalik na ang mga kampana sa Pilipinas sa Disyembre. 

Mula sa airbase, nakatakdang dalhin sa Philadelphia ang dalawang kampana para malinis at ma-restore ito. 

Sunod naman ay dadalhin ang mga kampana sa South Korea, kung saan naka-exhibit ang ikatlong kampana, at sabay-sabay sila ibabalik sa Pilipinas. 

Simbahan 'nagalak' 

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong 1901 ay tinangay ng mga Amerikanong sundalo mula sa simbahan sa Balangiga, Eastern Samar ang mga kampana bilang "war booty." 

Pero para kay Balangiga Bells diocesan committee head Msgr. Pedro Quitorio, hindi "war booty" ang mga kampana kundi parte ng pananampalataya ng kanilang komunidad. 

“Ang bell ay parte ng pananampatalaya. Every celebration, even the ordinary weekday Mass, gumagamit ng bell,” paliwanag ni Quitorio, na kasama sa mga opisyal ng simbahan na nagtulak sa repatriation ng mga kampana sa Kongreso ng Amerika. 

Para naman sa military historian na si Jose Antonio Custodio, simbolo ito ng pagtatapos ng "mapait na yugto" sa pagitan ng dalawang bansa. 

Tiniyak ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na darating ang mga kampana bago matapos ang 2018. 

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address noong 2017 ang pagbalik ng tatlong kampana sa Pilipinas. 

-- May ulat ng Reuters, Jared Bray, Christian Esguerra, at TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.