Babae pinagsasaksak, isinilid sa sako; 2 suspek menor de edad

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 07:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natagpuan ang bangkay ng 20 anyos na babae na nakasilid sa sako at may mga saksak sa katawan nitong Miyerkoles ng madaling araw sa Meycauayan, Bulacan. 

Agad nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad, at nitong Huwebes ay nahuli na ang tatlo sa apat na suspek sa brutal na pagpatay. 

Dalawa sa mga suspek ay mga menor de edad na gumagamit din umano ng marijuana bago ginawa ang krimen.

Unang natunton ng mga pulis ang 15 anyos na babae na itinurong kasama sa nagbuhat sa bangkay ni alyas "Andi."

Sumunod naman nilang pinuntahan ang isa pang 15 anyos na lalaking suspek na noo'y natutulog pa sa loob ng isang palengke sa Bocaue, Bulacan.

Ang naturang lalaki ang umano'y humawak at nagtali sa biktima nang isilid ito sa loob ng sako. 

Natunton ang dalawa matapos lumutang si John Mark Gesero, 18, na siya daw nagsilbing lookout ng grupo. Nakonsensiya siya at nagsumbong sa mga pulis kaya itinuro ang dalawang menor de edad.

Pero ang itunuturong sumaksak talaga sa biktima ay tumakas at ngayo'y pinaghahanap pa rin.

Kuwento ni Gesero, nag-iinuman ang grupo malapit sa palengke sa Bocaue nang mainis ang pangunahing suspek na si alyas "Jay" sa biktima. Away sa babae daw ang motibo sa krimen.

"Sabi po nila magbantay ako doon. Sila po 'yung nagsako at nagsakay sa kotse. Si [Jay] po sumaksak," pag-amin ni Gesero.

Labis naman ang galit ng pamilya ng biktima lalo't karumal-dumal ang pamamaraan ng pamamaslang kay Andi. 

"Sana mabulok sila sa kulungan sa ginawa nila sa pamangkin ko, mga bata pa sila pero ganyan na sila," anang tiyahin ng biktima. 

Tuloy ang manhunt kay Jay at sa nobya nito. 

Sasampahan ng kaso ng mga pulis ang mga nahuling suspek pero ililipat sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang menor de edad na suspek. —Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.