PatrolPH

16 arestado sa nabistong 'shabu tiyangge' sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 07:33 PM | Updated as of Feb 26 2020 12:57 PM

Watch more on iWantTFC

Labing anim ang timbog nang salakayin ang isang komunidad na binansagang "shabu tiyangge" sa lungsod ng Bacoor, Cavite, sabi ngayong Huwebes ng pulisya.

Apat na bahay sa isang maliit na komunidad sa gitna ng bukirin sa Purok Mangahan, Barangay Molino 4 ang sinalakay ng mga pulis dahil pugad umano ito ng ilegal na droga.

Bago ang raid, nakuhanan pa ng video ng police asset ang dalawang lalaki na gumagamit ng shabu sa lugar.

"Noong pinasok natin 'yong bahay-bahay doon, nabigla tayo, maraming tao sa loob... hindi sila taga-roon," sabi ni Superintendent Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Mga driver at construction worker umano ang parokyano sa "shabu tiyangge."

Nahuli naman ang isang magkapatid na sinasabing nagpapatakbo sa "shabu tiyangge" pero itinanggi nila ang paratang at sinabing gumagamit lang sila ng droga.

Pinaiimbestigahan na ni Superintendent Edward Carranza, hepe ng Calabarzon police, kung sino ang nasa likod ng operasyon ng nabistong "shabu tiyangge."

"We will not stop there. We go after the big fish... 'yong mga malalaking pinagmumulan ng shabu diyan sa Cavite," ani Carranza.

Nahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. --Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.