Menor de edad, patay sa pamamaril sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 06:54 PM

Patay ang isang 17 anyos na binatilyo matapos pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa Makati nitong Martes ng gabi.

Ipinakita pa ni "Angela" ang huling status sa Facebook ng anak na si alyas "Ken."

"Kinabahan" umano si Ken sa shinare niyang post na puro maganda at pogi ang namamatay ngayon.


Wala pang isang oras pagka-post, tila nagkatotoo ang pangamba ng binatilyo nang makarinig si Angela ng mga putok mula sa bahay.        

"Di na ko naniniwala. Alam ko walang kaaway pero pagtingin ko dun para siyang hayop na gaganunin na lang," ani Angela.

Pinagbabaril si Ken habang nakatambay kasama ang girlfriend sa tinatawag na "Hagdan Bato" sa Brgy. Pembo, Makati.

Limang basyo ng bala mula sa hinihinalang caliber-45 ang nakita sa crime scene.

Itinakbo pa si Ken sa Ospital ng Makati, pero pasado alas-12 ng Miyerkoles nang bawian ng buhay ang binatilyo.

Riding trio umano ang mga suspek, at ang gunman ay nakasakay sa dulo ng motorsiklo.

Tingin ni Angela, baka napagkamalan si Ken dahil maraming krimen sa lugar na kaniyang pinagtatambayan.

"Lagi kong sinasaway na wag tumambay at baka mapagkamalan na ganun din kayo, kaya lang siyempre kabataan po," ani Angela. 

"Medyo delikado talaga yung lugar na yun, karamihan ng dumadaan mga nagtatrabaho sa Market-Market at inaabangan para i-holdap, paliwanag naman ni Reynante Rolle, bantay bayan ng nasabing barangay.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa nangyari.
    
Sabi naman ng barangay, pinadadaanan nila sa mga tanod ang lugar para maiwasan ang ganitong insidente.
    
--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.