City hall sa Palawan nagmistulang 'Candy Land' para sa Pasko

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 02:04 PM | Updated as of Nov 16 2017 03:57 PM


PUERTO PRINCESA CITY - Naging makulay at nakatatakam ang city hall matapos punuin ng iba't ibang dekorasyong panghimagas ang gusali bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko.

Isang malaking dekorasyong cake na aabot sa ikalawang palapag ng gusali ang sasalubong sa mga bisita pagpasok sa city hall, habang ang mga kisame at dingding naman ay dinikitan ng mga kendi.

Maging ang mga poste at hagdan ay pinuno rin ng mga palamuti at sinabitan ng mga matatamis.

 

Patok ang mga dekorasyon sa mga residente na dumagsa sa city hall upang kuhanan ng litrato ang mga disenyo.

"Pagod na pagod na nga ako. Lahat ng anggulo, kinuhanan namin ng picture. Lahat ng floors, pinuntahan namin. Tuwang-tuwa ang mga bata," ani Mauree, isa sa mga residenteng pumunta sa city hall.

"It's very different. It's so colorful. It's not your typical city hall," sabi ng turistang si Sabrina Porter.

"Perfect background for selfies," dagdag ng kasama niyang si Joseph Mendez.

Ayon kay Raine Manuel, isa sa mga namahala sa pagsasaayos ng mga dekorasyon, ang pagpapalamuti sa city hall para sa Pasko ay isang patimpalak kung saan ang mananalong departamento ay makakatanggap ng P80,000.

"'Yung mga judges ine-ensure namin na credible sila. May mga artist, so talagang walang bias ito," ani Manuel.

Lahat ng dekorasyon ay gawa sa mga recycled materials, dagdag niya.

Ayon kay Manuel, pinili ng pamahalaan ang tema ng mga panghimagas dahil nais nilang maghatid ng isang matamis na Pasko para sa mga mamamayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.