'26,000' dumagsa sa ASEAN concert na kinansela dahil sa gitgitan

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 11:38 PM | Updated as of Nov 16 2017 02:31 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sabik pa namang magtanghal sana ang ilang dayuhang singer at banda sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) music festival nitong Martes, Nobyembre 14.

Layunin ng music fest na maipakilala ang iba't ibang kultura ng ASEAN sa pamamagitan ng musikang libreng handog sa lahat.

Nakalinyang tumugtog ang anim na bandang Pinoy at walong performers mula sa mga bansa sa ASEAN.

Unang-unang tumugtog sa music fest ang bandang Parokya ni Edgar.

Doon nagsimula ang tulakan at gitgitan dahil maraming mga manonood na nasa likurang bahagi ng music fest ang nagpilit na makapunta at makasingit sa mga nanonood sa bandang harapan.

Wala rin kasi ang nakasanayang LED screens para makita ng lahat ang mga performance.

Nakuhanan pa ng ilang Bayan Patroller ang dami ng mga dumagsang manonood sa music fest.

Lalo pang nagkagitgitan ang mga dumalo sa event nang magsimula nang umindak ang karamihan kasabay ng tugtugan ng banda.

Marami rin ang nagtaas na ng kanilang mga plastic na upuan dahil hindi na rin sila makapuwesto sa dami ng mga manonood.

Nagsimula nang mahilo at mahimatay ang ilang nasa music fest.

Sinubukan ng event organizer at security team na hilahin ang mga naiipit sa gitna ng audience at tinanggal na rin ang mga upuan para wala nang masaktan.

Nagmistulang klinika na ang lobby ng Philippine Stock Exchange kung saan binigyan ng paunang lunas ng mga medic at kawani ng Department of Health ang mga nahilo at nahimatay.

Tumulong na rin ang pulisya sa pagkontrol ng mga manonood.

Naunang sinabi ng Southern Police District na tinatayang 15,000 ang dumagsa sa event.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), 26,000 ang dumating sa okasyon.

"As much as almost 26,000 'yong crowd... More than 500 [police] personnel were sent there last night to reinforce 'yong mga nagbabantay doon," ani NCRPO chief Director Oscar Albayalde.

Sinubukan pa ng mga organizer na pakalmahin ang mga manonood, pero makalipas ang dalawang oras, nagdesisyon ang organizers na tuluyan nang kanselahin ang music fest para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Kabilang sa mga dayuhang magtatanghal dapat sa event ang "X-Factor Myanmar" judge, singer at composer-producer na si Eaint Chit pati ang rock band mula sa Brunei na D'Hask.

Tuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Pero umaasa ang ilan, tulad ni Parokya Ni Edgar frontman Chito Miranda, na magsilbi na itong leksiyon sa mga organizer na mas maging handa sa susunod na pagkakataon.

-- Ulat nina Gretchen Ho at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.