Prinsipal arestado, 3 pakete ng marijuana narekober

Carmela Jimenez, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2016 06:14 PM

Arestado ang prinsipal ng isang elementary school sa Sudipen, La Union matapos makuha sa bahay niya ang hinihinalang mga pakete ng marijuana.

Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Manuel Aquino ng Regional Trial Court Branch 34 sa Balaoan, La Union, hinalughog ang bahay ni Herminio Dasalla, principal ng Up-uplas Elementary School sa Balaoan.

Nakumpiska ang tatlong sachet na may lamang hinihinalang marijuana.

Ayon sa pulis, matagal nang inirereklamo ang principal.

“Yung dati na talaga yan, minamanmanan ng Sudipen PNP kasi maraming reports yung mga parents na siya po ay allegedly gumagamit ng drugs. Yung mga nakuha namin, nahuli namin sa Sudipen, sinabi nila na siya po ay financier ng suspected shabu,” pahayag ni SPO4 Raymund Monis.

Depensa ng principal, “mahirap lang kami. Ang kasalanan ko lang po naging friendly ako masyado.”

Nabigyan na raw ng warning ang principal noon dahil sa madalas na pag-aabsent.

Bilang aksyon ng Department of Education sa La Union, iaakyat na ang kaso ng principal sa regional director ng DepEd.

“He was a recidivist absentee, tapos medyo hindi siya pumapasok for quite a time. Napapabayaan niya yung school niya,” sabi Schools Division Superintendent Rowena Banzon.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Dasalla na pansamantalang nakalaya matapos makapag-piyansa ng P100,000.

Nagtalaga muna ng officer in charge ang DepEd La Union sa Up-uplas Elementary School.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.