TFC News

Pinoy na nagwagi sa 13th Florence Biennale International Exhibition, nanawagan ng suporta sa mga pintor

Mye Mulingtapang | TFC News Italy

Posted at Nov 14 2021 12:54 PM

FLORENCE - Napanalunan ng Pinoy artist na si Michael Villagante ang Lorenzo il Magnifico gold medal sa Painting Category ng 13th Florence Biennale International Exhibition for Contemporary Art and Design. Mula sa mahigit 500 artist at designer, nangibabaw ang obra ng 44 taong gulang na si Michael Villagante.

Pinoy painter

Siya ang kauna-unahang Pinoy na nanalo ng Lorenzo il Magnifico, at ang gold medal sa Painting Category sa nasabing exhibition. Sa unang sabak pa lang ni Villagante sa Florence Biennale ay nasungkit na niya ang pinakamataas na karangalan para sa kanyang obra na “Pagtahan” o Cessation of Crying.

Painting

“Iba yung pakiramdam ko. Hindi ko maipaliwanag kasi una, nanlalamig ako tapos, nung tinawag na yung pangalan ko ayun tuwang-tuwa yung mga kapwa nating Pilipino doon,” saad ni Villagante, Lorenzo il Magnifico Gold Awardee.

“Eternal Feminine Eternal Change” ang tema ng Florence Biennale ngayong taon. Inspirasyon ni Villagante sa kanyang obra ang kanyang mag-ina at kanyang mensahe ng pag-asa sa pandemya.

“Dahil pagtahan po siya, yung pag-iyak nung bata sa tema ko parang tapos na po lahat kung ano ang nangyari sa ating mundo, parang pinakita ko dun kung ano ang naging epekto,”, sabi ni Villagante. 

Pinoy wagi sa painting contest
Photo courtesy of MS STUDIO
Mahirap man ang pinagdaanan ni Villagante para makasali sa kompetisyon, naging sulit naman ang pagod at sakripisyo niya dahil napansin ng international jury ang kanyang talento.

“Hindi ko alam kung saan ako hahanap uli ng sponsors hanggang sa ‘yon, naitawid ko nairaos ko lahat”, dagdag ni Villagante.

Panawagan niya na mabigyan ng suporta ang mga kapwa niya pintor para makasali sa mga kompetisyon sa ibang bansa. Patuloy ang pagkilala sa mga Pinoy artist sa maraming bahagi ng mundo, patunay sa ‘di matatawarang husay at dedikasyon ng ating mga alagad ng sining.

Group shot ng painters

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Italy, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.

Watch more on iWantTFC