PatrolPH

Paghahanap sa 5 pang natabunan sa landslide sa Ifugao, tuloy pa rin

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2020 05:05 PM

Paghahanap sa 5 pang natabunan sa landslide sa Ifugao, tuloy pa rin 1
Tuloy ang search and rescue operations sa Barangay Viewpoint sa Banaue, Ifugao para sa 5 pang kataong nawawala matapos na matabunan ng landslide ang kanilang tinutuluyang bunkhouse sa kasagsagan ng bagyong Ulysses. Larawan mula sa IFUGAO Police Mobile Force Company 

BAGUIO CITY - Patuloy pa rin ang search and retrieval operations para sa limang kataong natabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Sumigar View Point sa Banaue, Ifugao.
 
Ayon kay Ifugao Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer na si Kenneth Pugong, nahihirapan sila sa paghahanap sa mga biktima dahil masyadong malawak ang bundok at maputik. 

“Sa ngayon nahihirapan sila kasi medyo mudflow pa po yung sitwasyon doon,” pahayag ni Pugong.


 
Sapat naman daw ang manpower sa lugar, kailangan pa rin nila ng drone para sa search and retrieval operations.
 
“Kung merong mabubuting puso diyan na pwedeng mag-donate ng drone para malaking maitutulong po yung kasi wala pa kaming drone na gagamitin para sa pag-locate sa area na ise-search nila,” dagdag ni Pugong. 

Watch more on iWantTFC

Biyernes ng hapon nang umabot na sa 6 ang bilang ng mga nasawi sa insidente habang isa naman ang sugatan.

Huwebes nang matabunan ng lupa ang tinutuluyan bunkhouse ng mga bikima sa pananalasa ng bagyong Ulysses.

Lima sa nasawi ay kawanin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsasagawa ng clearing operation sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.