'Tinataboy na kami': Mga umaasa sa ayuda naiyak sa tigil-tulong ng Pagcor

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 04:08 PM | Updated as of Nov 14 2019 08:04 PM

MAYNILA — Nagngangawa ang ilang umaasa sa ayudang pangmedikal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) matapos ang biglaang anunsiyo ng ahensiya na ipatitigil muna nila ito. 

Miyerkoles nang sabihin ng Pagcor na ititigil muna nila ang pagtanggap ng aplikasyon para sa medical financial assistance bunsod ng insidente kung saan pinagtangkaang i-defraud o lokohin ang ahensiya gamit ang mga pekeng dokumento.

Nitong Huwebes, nag-iyakan na lang sa labas ng tanggapan ng Pagcor sa Maynila ang mga nakapilang humihingi ng tulong sa sobrang pagkadismaya. 

"Kagaya naming mga indibidwal dito, wala kaming ibang inaasahan," ani Marinelle Bangasan. 

"Kung alam niyo lang, ang gamot ko P90,000 ang isa every 21 days," ayon naman kay Raquel Jusayda.

Sila ang ilan sa mga arawang bumabiyahe, pumipila, pabalik-balik at nagtitiyaga para humingi ng tulong sa Pagcor para sa pagpapagamot. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nadurog ang kanilang pag-asa nang saraduhan sila ng pinto ng Pagcor kasabay ng nakapaskil na advisory na ihihinto muna ang pagbibigay ng financial medical assistance. 

Bukod diyan, wala nang ibang makausap ang mga humihingi ng tulong. 

Walang na daw kasing sumasagot sa telepono at security personnel lang ang pinaharap sa kanila. 

"Ayaw akong interviewhin. Wala, wala, wala. Tinataboy kami. Sabi, doon kayo, doon, doon," hinaing ni Teresita Paquingan.

"Tapos kapag tatawag ka, sasagutin tapos naka-hang. Nauubos lang load ng cellphone," kuwento naman ni Ric Sebastian. 

Pati ang iba na nakapagproseso na ng requirements at for approval na lang, blangko kung paano na ngayon matapos ang kanilang pinaghirapang lakarin.

"Masama loob ko dahil pinabalik pa ako. Kumuha ako sa PGH (Philippine General Hospital), pumila ako pagkahabahaba," reklamo ni Virginia Planas. 

"Wag naman sanang ganyan, nakakaawa ang taong Pilipino. Lalo na kaming may malaking problema sa orthopedic," ayon kay Joseph Jimera.

Sa huling update, arestado na ang mga suspek pero ongoing raw ang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.