Signage ng gusali sa Iligan bumagsak, 1 sugatan

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 04:22 PM

Kalalabas lang ng gusali ng biktima nang mabagsakan ng signage sa Iligan City. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News


Isang babae ang nasugatan matapos mabagsakan ng signage at pinagkakabitan nitong semento sa labas ng isang pawnshop sa Barangay Poblacion sa Iligan City, Huwebes.

Kalalabas lang ni Emma Serafin sa establisimyento nang bumigay ang istruktura at nadaganan ang ginang.

Hindi maigalaw ng ginang ang kaniyang binti at balikat at agad siyang isinugod sa ospital.

Aniya, may iba pang mga sibilyan na nakatayo malapit sa pinangyarihan ng insidente pero siya lang ang tinamaan.

Ayon naman sa guwardiyang si Ruel Anoy, inireklamo na ng kanilang establisimyento sa may-ari ng gusali ang pagbitak ng sementong pinagkabitan ng signage matapos yanigin ng lindol nitong nakaraang buwan pero ipinagpaliban umano ang pagpapakumpuni dito.

Hiling naman ni Serafin na sana’y maaksiyonan agad ang mga reklamong ganito para wala nang buhay pa ang posibleng manganib.

Hindi na rin aniya siya magsasampa ng kaso kung tutulungan siya sa kaniyang pagpapaospital.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.