Sanggol na tinangay ng yaya sa Taguig, naibalik na

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 04:04 PM | Updated as of Nov 14 2019 11:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE)—Naibalik na nitong Huwebes ang sanggol na tinangay umano ng isang yaya sa Taguig City.

Naibalik sa mga magulang ang sanggol sa tulong ng radio show na "Wanted sa Radyo" sa Radyo Singko ng News5. 

Ayon sa inang si Princess Jean Perrin, natutulog siya at ang kaniyang kinakasama na kapuwa panggabi ang trabaho nang mangyari ang insidente nitong Miyerkoles. Nagising na lang umano sila na wala na ang bata at yaya.

Ayon kay Perrin, wala pang isang linggong nanunuluyan sa kanila ang yaya na nagpakilalang si Kristine Joy Salik. 

Kinontak sila ng suspek matapos mag-post si Perrin sa social media na naghahanap siya ng bagong mag-aalaga sa bata. 

Giit naman ng suspek, nauna na siyang binigyan ng permiso ng lolo ng sanggol na maari niya itong isama kapag pupunta siya sa mall, bagay na itinanggi naman ng lolo ng bata.

Dagdag pa niya, natakot siyang bumalik sa bahay ng amo dahil sa mga natanggap na banta matapos kumalat ang kaniyang larawan sa social media.

"Noong gabi, uuwi sana kami sa Taguig, eh ang dami na pong nagcha-chat sa akin. Sorry po. Sorry po talaga," paliwanag ni Salik.

Sa kabila ng paghingi ng tawad ni Salik, desidido naman ang mga magulang ng sanggol na sampahan ng kasong kidnapping si Salik.

"Madaling magpatawad pero 'yung aksiyon niya, paano sa mga susunod na papasukan niya," paliwanag ni Perrin.

Nais lamang din umano nila na maturuan ng leksiyon ang suspek.—May ulat nina Anjo Bagaoisan at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.