MAYNILA — Pinaghahanap na ng Quezon City Police District (QCPD) ang riding-in-tandem na nakunan ng CCTV na nangholdap sa 2 call center agents sa Roosevelt Avenue, Quezon City.
Sa kuha ng CCTV, kita ang mga kawatan na nakaparada sa Roosevelt Avenue habang nagmamasid at tila naghahanap ng kanilang bibiktimahin.
Maya-maya pa, tinapatan nila ang isang babae at isang lalaki na pawang mga call center agent.
Sapilitang inagaw ng isa sa mga salarin ang bag ng 2 biktima. Hindi na sila nakapalag dahil armado ang mga holdaper.
Naglalaman ng pera, cellphone, at mga ATM card ang kanilang bags.
"Tinutukan kami ng patalim tapos sabi pag pumalag [puputukan]. So inisip ko safety namin binigay na namin. Naka-face mask at helmet [kaya] di ko makilala," ani
Matapos ang krimen, mabilis tumakas ang mga suspek.
Tinutugis na ng mga pulis ang mga holdaper.
Paiigtingin din ng QCPD ang police visibility lalo't papalapit na ang Pasko.
—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, krimen, CCTV, holdap, QCPD, Quezon City Police District, TV PATROL TOP