Mga lalawigan handa na sa inaasahan pagbayo ng bagyong Ramon

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kaniya-kaniyang paghahanda na ang mga lalawigan na inaasahang maaapektuhan ng bagyong Ramon, na kasalukuyang nasa 500 kilometro silangan ng Baler, Aurora nitong Huwebes.

Nakataas pa rin ang signal no. 2 sa Catanduanes. Nasa ilalim naman ng signal no. 1 ang silangang bahagi ng Isabela, kabilang ang Divilacan, Palanan at Dinapigue; Northern Aurora, kabilang ang Dilasag, Casiguran at Dinalungan; at Polillo Island; Camarines Norte; Camarines Sur; at Albay.

Ang bagyong Ramon ay may lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometers per hour (kph), pagbugsong 80 kph, at kumikilos patungong north northwest sa bilis na 15 kph.

Sa forecast ng weather bureau PAGASA, tinatayang tatama ito sa Isabela o Cagayan sa Linggo ng hapon at babaybayin ang northern Luzon buong hapon at gabi sa parehong araw.

Lalabas naman ito ng West Philippine Sea sa Lunes.

Ayon sa PAGASA, posibleng sa Sabado pa hanggang Lunes mararanasan ang mas malalakas na ulan sa northern Luzon dahil sa bagyo.

CAGAYAN RIVER POSIBLENG UMAPAW

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang umulan sa lalawigan ng Isabela nitong Huwebes ng umaga dulot ni bagyong Ramon.
    
Ang pangamba ng marami, kapag nagtuloy-tuloy ang buhos ng ulan ay posibleng umapaw ang Cagayan River at magdulot ng baha sa maraming lugar sa probinsiya.

"Kasi nagri-release na 'yung dam ngayon, kasi puno na raw sila, 'yung Magat Dam... [K]ung tutuloy pa itong ulan, magpapa-evacuate na tayo ng mga tao dun sa evacuation centers," sabi ni Isabela Gov. Rodolfo Albano III.

Sabi ni Albano, nakaposisyon na ang tulong na ihahatid nila sa mga bayan ng Palanan, Dinapigue, at Divilacan sakaling salpukin ng bagyo ang mga lugar na ito.

AURORA HANDA NA KAY RAMON

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, puspusan na ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Aurora sa posibleng hagupit ng bagyong Ramon.

Pero dahil kalmado pa ang panahon, wala pang lumilikas na mga residente.

Gayunman, nakahanda ang lokal na pamahalaan. Pinapaalalahanan din nila ang mga residente na maghanda sa posibleng epekto ng bagyo, gaya ng pagbaha at landslide.

Naka-standby na rin ang nasa 2,000 food packs at family kits gaya ng timba't tabo, kumot, at kulambo sakaling kakailanganin.

Hindi na rin pinapayagang maglayag pa ang mga sasakyang pandagat.

Sa Biyernes nakatakdang magsagawa ng pre-disaster risk assessment meeting ang lokal na pamahalaan ng Aurora para sa iba pang paghahanda sa pagpasok ng bagyo.


—Ulat nina Jorge Carino at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.