Mga estudyante sa mga paaralang malapit sa Bulkang Taal, ililipat dahil sa pagyanig

Merwin Javier, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 12:50 AM

TALISAY, Batangas—Aabot sa 500 mag-aaral mula sa iba't ibang paaralan sa mga lugar malapit sa Bulkang Taal ang inilipat sa ibang paaralan dahil sa sunod-sunod na pagyanig sa palibot nito.

Inilipat na sa Venancio Trinidad Sr. Memorial School ang mahigit 300 na estudyante ng Pulo Elementary School ng Sitio Tabla nitong Nov. 4 dahil sa sunod-sunod na pagyanig.

Apektado ang mga magulang ng mga estudyante sa nangyaring paglipat ng paaralan ng kanilang mga anak.

“Sinasamahan na rin namin ang anak namin dito. Dito lang kami, binabantayan namin paglabas at wala naman kaming titigilan,” ani Glizelda Balba.

Pahayag naman ni Arlene Disipeda: “Para sa amin ay normal lang kase Level 1 pa lang naman. Unang una, kaya kami hindi makaalis du'n kasi wala kaming tirahan dito tapos andu'n ang aming hanapbuhay," 

Mahigit 200 estudyante naman ng San Nicolas Annex ang nakatakdang ilipat at ihanap ng relokasyon dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga seismic activity sa paligid ng bulkan nitong mga nakaraang araw.

Nagsagawa ng pagpupulong ang mga guro ng paaralan ng San Nicolas Central School at ang lokal na pamahalaan kamakailan para planuhin ang relokasyon ng mga mag-aaral.

"Sana ma-realize nila na mas mahalaga ang buhay ng tao, ng mga bata na nakatira du'n sa lugar sa Alas-as kaysa sa hanapbuhay," ani Department of Education district supervisor Julieta Devio.

Isinasaayos na ngayon ang mga silid-aralan sa San Nicolas Central School dahil isa ito sa walong paaralan na maaaring pagdalhan ng mga apektadong estudyante.

Matatandaan na Marso 28 nang itaas ang alert Level 1 sa paligid ng bulkan.

Sa 24 hours observation period ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), patuloy ang pagtaas ng seismic activities sa Bulkang Taal.

"Dumami na ng husto ang ating narerecord sa seismograph. Nov. 4 po ay nakapagtala tayo ng 89 na volcanic earthquakes at bukod po du'n ay may Intensity 1 and 2 na nararamdam" ani Phivolcs science research specialist na si Juan M. Cordon Jr.

Wala pa naman daw indikasyon na magtataas ng alert level pero pinag-iingat pa rin ang mga residente sa lugar.

Hinggil sa proseso ng relokasyon ng mga estudyante, nakatakdang magkaroon ng talakayan ang mga opisyal at tauhan ng Phivolcs, Provincial Government at Municipal Governments ng Balete, Talisay at San Nicolas sa kapitolyo ng Batangas City sa Nobyembre 20.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.