Menor de edad na buntis, pinagbabaril sa labas ng hall of justice sa CDO

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 01:08 AM

CAGAYAN DE ORO—Isang buntis na menor de edad ang pinagbabaril sa labas ng hall of justice sa Barangay Carmen sa lungsod na ito Martes.

Sa CCTV footage ng isang gasolinahan sa Mastersons Avenue, makikita ang motorsiklo na sinakyan ng dalawang lalaking naka-helmet na pumuwesto sa tapat ng nasabing gusali.

Tumawid sa pedestrian lane ang tatlong babae mula sa nasabing gusali bago lumapit ang motorsiklo sa kanila, at makikitang natumba na ang isa sa kanila.

Tinamaan sa leeg ang 16-anyos na babae na ngayo'y nagpapagaling sa hospital. 

Limang buwang buntis umano ang biktima.

Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office, galing sa arraignment ang biktima sa isinampa nitong kasong act of lasciviousness laban sa dati nitong amo na isang opisyal na pulis sa Misamis Oriental. Hindi muna pinangalanan ang pulis.

Kaya ipinag-utos na ni city councilor Romeo Calizo sa kapulisan na higpitan ang pagbabantay sa biktima sa hospital.

"The police should look into the possibility that the perpetrator ay ang inireklamo. Pero it's unfair also if he will not be given a day in court to clear his name. But automatically, he'll be a person of interest," ani Calizo, chairman ng committee on police, fire and public safety ng konseho.

Hindi pa nakapagsalita ang biktima at hindi pa siya nakukunan ng testimonya ng mga pulis ukol sa pangyayari.

Kakausapin naman ng Women and Children's Desk ng pulisya ang pamilya ng biktima para makakuha sila ng karagdagang impormasyon na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.