Mag-asawang nameke ng dokumento para makakuha ng ayuda sa Pagcor, timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 05:27 AM

MAYNILA—Inaresto ang isang mag-asawa dahil umano sa pamemeke ng dokumento para makatanggap ng tulong pinansiyal mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Nahuli ng mga tauhan ng general assignment and investigation section ng Manila Police District (MPD) ang mag-asawa sa mismong tanggapan ng Pagcor sa Maynila nitong Miyerkoles.

Ayon kay Police Capt. Arnold Echalar ng MPD, nakobra ng mag-asawa ang dapat sana ay para sa isang humingi ng tulong pinansiyal sa Pagcor para sa medical nito na gastusin.

Kasunod ng insidente, inanunsiyo ng Pagcor na pansamantala muna nilang ititigil ang pagtanggap ng mga bagong aplikasyon para sa financial medical assistance simula Huwebes, Nobyembre 14.

Nahaharap sa mga kasong falsification of public documents by a private individual at using false certificates ang mag-asawa.—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.