Ilang convoy sa SEA Games dry run naipit sa EDSA traffic

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 05:41 PM | Updated as of Nov 14 2019 07:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naipit sa trapiko sa EDSA ngayong Huwebes ang ilang convoy na bahagi ng dry run ng traffic plan para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Galing Makati, Pasay, Alabang, Muntinlupa, Manila, at Pasig ang mga behikulong kunwari ay sinasakyan ng mga delegado mula sa ibang mga bansa sa Southeast Asia, at magtatapos sa Philippine Arena sa Bulacan.

Sa 20 bus na ibiniyahe, 16 ang nakarating sa oras at 4 na bus ang nahuli sa kunyaring opening ceremony ng SEA Games.

Naipit ang ilang convoy sa bus station dahil sa dami ng mga bus na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero.

Bagaman bumigat ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA, hindi ito sintindi nang inaasahan ng mga motorista, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Spokesperson Celine Pialago.

"Hindi po ganoon kalala kagaya ng inaasahan pero may delay," aniya.

"'Yong kinakatakot na gridlock, kahit papaano na-reach 'yong pangako na less inconvenient sa kanila (mga motorista)," dagdag ni Pialago.

Sinubukan sa dry run ang "stop and go" scheme kung saan pinatitigil ang mga bus at pribadong sasakyan kapag lumulusot ang convoy.

Ilan sa mga nakitang problema sa dry run ay ang maraming mga pribadong sasakyan sa yellow lane at pagsunod ng mga pribadong motorista sa mga convoy.

"Nagkaroon tayo ng mga adjustment sa yellow lane. Talagang puno pa rin ng pribadong sasakyan," ani Pialaog.

"Sa yellow lane, hindi po puwedeng sundan ang convoy lalo na [very important persons] ang mga sakay natin," aniya.

Sinubukan din sa dry run ang scenario kung saan nasiraan ang bus ng mga atleta, na agad inilipat sa ibang sasakyan.

Tiningnan din kung makakaresponde nang wala pang 5 minuto ang emergency team sakaling may maaksidente habang ibinabiyahe ang mga delegado.

Idaraos ang 30th SEA Games mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games